Hinamón ng Makabayan bloc ang pamahalaan na ibasura ang 12 percent value-added tax na ipinapataw sa mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Ayon kay Gabriela Women’s Partylist Rep. Sarah Elago, matagal nang panawagan na magkaroon ng tax relief upang makatulong sa mga ordinaryong Pilipino, pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito inaaksyunan.
Aniya, patuloy na naaapektuhan ang mga Pilipino ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin na lalo pang pinapalala ng VAT.
Ginawa ang pahayag matapos ang panukala ng Department of Finance o DOF na itaas ang tax exemption ceiling para sa mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor.
Para naman kay ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, mas magiging makabuluhan ang tulong sa mga manggagawa kung tatanggalin ang excise tax sa langis at VAT upang maibsan ang bigat ng gastusin ng mamamayan.
Iginiit ni Tinio na hindi lamang mataas na buwis ang nagpapahirap sa mga manggagawa, kundi pati na rin ang mga isyu ng katiwalian sa gobyerno, partikular ang palpak at maanomalyang flood control projects na nagpapabigat sa kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino. —ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)




