Drop your things and leave them behind. Hindi mo na kailangang maaligaga na baka may maiwan kang gamit sa pagpasok mo sa eskwelahan o trabaho. Dahil sa China, literal na everything is in your hands. Sa isang kaway mo lang, bayad ka na. Yan ang bagong mode of paymnet sa China kung saan hindi mo na dadalhin pa ang wallet mo dahil palad mo lang ang kailangan mo.
Ang detalye ng makabagong teknolohiya na ito, eto.
Sa dami ng commuters na nagsisiksikan sa mga public transportations, bukod sa pangamba na masalisihan ng mga kawatan, nagsisimula rin ang traffic sa pila sa ticketing booths at pagta-tap ng key card, partikular na sa mga istasyon ng tren.
Pero ang China, pinatunayan na naman na pagdating sa teknolohiya at innovations ay mayroon silang ibubuga.
Ang bagong innovation na ito, hindi na kailangan pang pagkagastusan dahil literal na nasa kamay niyo na ang sagot. Sa pagsa-scan lang ng palad, bayad na ang mga dapat mong bayaran.
Kung paano? Gumagana ito katulad ng facial recognition. Binabasa ng sensor ang mga palm print o mga guhit sa palad ng isang tao at ang patterns ng mga ugat nito.
Ito ang Weixin Palm Scan Payment na nagmula sa Chinese tech company na Tencent na siya ring nagmamay-ari sa application na Wechat.
Una itong ginamit sa express train sa Beijing Airport at Shenzhen University bago tuluyang ginamit sa mga convenience stores sa guangdong province.
Sa pamamagitan nito, hindi na kailangan pang pangambahan ang pagkawala at pagnanakaw ng cards at cash dahil sa isang kaway mo lang, bayad ka na.
Ikaw, sa tingin mo ba ay maiibsan nito ang araw-araw na pasanin ng mga commuter dito sa Pilipinas?