Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde sa premium hike ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) na nakaamba ngayong taon.
Batay sa isang pahinang memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ipinabatid ng Punong Ehekutibo kina Department of Health officer-in-charge Usec. Maria Rosario Vergeire at Philhealth Acting President at CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang tungkol sa pagpapaliban sa taas-kontribusyon ng mga manggagawa.
Ang hakbang ay ginawa ng Pangulo upang mabigyan ng financial relief ang mga empleyado sa gitna na rin ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Nasa .5 percent ang magiging dagdag sana sa kontribusyon sa PhilHealth mula sa kasalukuyang 4 percent o magiging 4.5 percent simula ngayong buwan.
Nangangahulugan na kung ang sahod ng manggagawa ay P10,000, magiging P450 na ang hulog nito mula sa kasalukuyang P400.
Kung mas mataas sa P10,000 hanggang mababa sa P80,000 ang sahod ng manggagawa, papalo sa P850 o magiging P50 ang dagdag-kontribusyon ng mga miyembro ng state insurer.
Una nang ipinaliwanag ng Philhealth na ikakasa ang premium hike upang mapahusay ang benepisyong natatanggap ng mga miyembro, alinsunod na rin sa Universal Health Care Act.