Pinagdebatihan nina Senate Majority Leader Francis Tolentino at Deputy Minority Leader Risa Hontiveros kung maaari bang ipagpatuloy sa 20th congress ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senador Tolentino, functionally dismissed na ang impeachment laban sa Bise Presidente kapag hindi natapos ang impeachment process hanggang sa hunyo a-trenta.
Hindi aniya pwedeng tumawid sa 20th congress ang impeachment trial dahil sa kawalan ng constitutional authority.
Alinsunod aniya sa rules ng Korte Suprema, lahat ng legislative matters ay matatapos sa oras na matapos ang isang kongreso.
Tinabla naman ito ni Senador Hontiveros at sinabing sa ilalim ng 1987 Constitution ay inaatasan ang senado na ipagpatuloy nang walang pagkakantala ang nasimulang impeachment process.
Malinaw anya sa mga naging rulings ng kataas-taasang hukuman na ang impeachment ay isang non-legislative function ng senado.
Nabatid na iniurong ang petsa ng pagsisimula ng impeachment proceedings ni VP Sara sa Hunyo 11, mula sa Hunyo 2.
—sa panulat ni John Riz Calata