Itinuturing nang krisis ang dumaraming bilang ng mga bakwit mula sa Marawi City na may mental disorder .
Ito’y kasabay pa rin ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at grupong Maute sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa Provincial Crisis Management Committee, nasa higit 30,000 bakwit na ang naitalang may matinding depresyon at pagkabaliw.
Batay sa naturang bilang, pinakamarami ang nasa “level 3” ng mental health disorder.
Itinuturing naman na pinakamalalang pagkabaliw ang ‘level 5” ngunit wala pang naitatala sa ilalim nito.
Ilan sa mga bakwit na nakararanas ng sakit sa pag-iisip ay natutuwa pa sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi City.
Ang iba naman, kapag tinanong ay alam na walang giyera sa kanilang lungsod at normal na namumuhay ang mga residente doon.
Kasunod nito, nananawagan ang Provincial Crisis Management Committee sa mga ahensya ng gobyerno na tulungan bigyang pansin ang mental health ng mga bakwit.
By Arianne Palma