Isinusulong sa Senado ang panukalang batas na naglalayong lumikha ng isang independent people’s commission, na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa lahat ng proyekto ng pamahalaan, lalo na sa mga imprastraktura.
Ito ay ang Senate Bill Number 1215 na inihain ni Senate Minority Leader Vicente Sotto the Third.
Sa ilalim ng panukala, magiging independent body ang IPC na may kapangyarihang magsagawa ng malawakang imbestigasyon laban sa mga ghost projects, overpricing, at paggamit ng substandard materials sa mga proyekto ng pamahalaan.
Bubuuin ang IPC ng isang retired justice ng Korte Suprema o Court of Appeals, na gaganap bilang chairperson, isang CPA na may expertise sa forensic accounting, isang civil engineer o arkitekto, isang representante mula sa kilalang NGO, at isang academician sa larangan ng public administration o ekonomiks.
Tatlong taon ang termino ng mga miyembro at maaari silang ma-re-appoint ng Pangulo.
Giit ni Sen. Sotto, ramdam na ramdam na ng mga Pilipino ang korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno; mula sa palpak na flood-control projects, sira-sirang silid-aralan, hanggang sa sirang farm-to-market roads para sa mga magsasaka kaya mahalaga na may independent body na mag-iimbestiga para mapanagot ang mga sangkot dito.