Panibagong impormasyon na naman ang naisiwalat sa katatapos lang na ika-anim na Senate Blue Ribbon Committee hearing na siyang mas nagdiin sa mga dawit umano sa flood control issue na sina Cong. Elizaldy Co at former House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang surpresang dinala ni Sen. Marcoleta na si Orly Regala Guteza na nagpakilala bilang dating Security Consultant ni Rep. Zaldy Co at miyembro ng Philippine Marines.
Kabilang sa mga isiniwalat ni Guteza ay ang pagde-deliver umano ng 46 na maleta sa bahay ni Ako Bicol Party-List Rep. Co.
Pero karamihan umano sa mga maleta ay dinala sa bahay ni Cong. Martin Romualdez sa Mckinley Street, Taguig City. At take note, tinatayang aabot lang naman sa P48 million ang laman ng bawat maleta.
Pero ang problema, itinanggi ng abugado na si Atty. Petchie Rose Espera na siya ang nag-notaryo sa affidavit ni Guteza.
Pero ayon naman kay Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa opisyal na panayam ng DWIZ, side issue lang ang usapin kung tama ba ang pagkakanotaryo sa nasabing affidavit dahil substance ng nilalaman nito ang mas mahalaga.
Pero paglilinaw ni Sen. Lacson, kung sakali man na mapapatunayang nagsinungaling si Guteza nang sabihin na notarized ni Atty. Espera ang kaniyang affidavit, maaapektuhan ang mga impormasyon ni isiniwalat niya sa hearing.
Gayunpaman, sinabi ng senador na matatawag na matibay ang affidavit ni Guteza kung masusuportahan pa ito ng mga ebidensya at hindi mare-refute o mapapatunayang mali. Dahil kung wala ang mga ebidensya, mananatili lamang alegasyon ang mga isiniwalat ng bagong witness.
Samantala, sinabi ng senador na hindi na pahaharapin pa sa korte ang nasabing abugado dahil magiging destruction lang ito. Habang nag-request naman si Guteza na maisailalim sa witness protection program para maproteksyunan siya at ang kaniyang pamilya.