Kinumpirma mismo ng Office of the Ombudsman na hindi na maaaring maging state witness ang mag-asawang kontraktor na sina Sara at Curlee Discaya matapos itong hindi makipagtulungan sa imbestigasyon kaugnay ng flood control scam.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, itinuturing na “hostile witnesses” ang mag-asawang kontraktor at maaari silang masampahan ng kasong malversation of public funds, falsification of public documents, at iba pang kaukulang paglabag.
Sinabi pa ni Atty. Clavano na ang proteksiyong ibinigay sa kanila ay kaugnay lamang ng aplikasyon bilang state witness, ngunit dahil sa kanilang desisyon na hindi makipagtulungan ay otomatikong inalis ang naturang proteksiyon.
Dagdag pa ng Ombudsman, malinaw ang ebidensya sa ghost projects sa Bulacan, pero mas malalim na imbestigasyon pa ang isinasagawa ng tanggapan upang patunayan ang sinasabing korapsyon na nagsisimula umano sa loob ng Kongreso, partikular sa Appropriations Committee.
Tiniyak naman ng Ombudsman na handa ang kanilang tanggapan na ituloy ang kaso laban sa mga sangkot at papanagutin ang lahat ng responsable sa anomalya.




