Posibleng sesentro sa isyu ng paggamit ng confidential at intelligence funds at mga biyahe ni Vice President Sara Duterte sa labas ng bansa ang mga tanong ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio sa 2026 budget deliberations.
Ayon kay Rep. Tinio, kasama sa kanilang uungkatin ang sinasabing “habitual absence” ni Duterte mula sa kanyang official duties.
Naniniwala ang mambabatas na isa sa mga tamang venue ang budget hearing upang malaman kung paano ginastos ng Bise Presidente ang pondo ng kanyang opisina.
Paliwanag nito, kahit hindi matuloy ang impeachment trial, patuloy na hahabulin si VP Sara ng mga isyung kinasasangkutan lalo na ang paggastos sa 612.5 million pesos na confidential funds.
—Sa panulat ni Mark Terrence Molave—Ulat mula kay Geli Mendez (Patrol 30)