Pinabubuwag na ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. ang Office of the Presidential Adviser on Military and Police Affairs (OPAMPA).
Sa inilabas na Executive Order No. 89, sinabi ni Pangulong Marcos na napapanahon na para muling bisitahin at pag-aralan kung kailangan pa ba ng hiwalay na tanggapan na mangangasiwa sa mga sundalo at pulis sa ilalim ng Office of the President.
Ikinonsidera aniya rito ang polisiya ng administrasyon na gawing simple ang hanay ng gobyerno, gayundin ang pagpapatupad ng rightsizing o pagbabawas ng mga empleyado.
Sa ilalim ng kautusan, ipinapasa na ang trabaho ng OPAMPA sa Office of the Executive Secretary, Department of National Defense, National Security Council, Philippine National Police, National Police Commission, at iba pang kaugnay na ahensya.
Inaatasan din ang OPAMPA na isalin sa Office of the Deputy Executive Secretary ang lahat ng kanilang dokumento, records, at iba pang ari-arian.