Sabi nga nila, kung sino pa ang walang-wala, sila pa ang mapagbigay. Katulad ng asong ito na nagpagala-gala matapos mahiwalay sa kaniyang pamilya at napilitang mabuhay bitbit ang isang pirasong tinapay. Pero nang dumating na ang tulong, inalok pa ng aso ang nag-iisa niyang tinapay sa mga tumulong sa kaniya.
Kung bakit nahiwalay ang aso sa kaniyang pamilya, eto.
7 weeks old pa lang ang tuta na si Gunnar nang i-rescue ng animal control ang kaniyang pamilya at hindi sinasadyang maiwanan ito.
Dahil dito ay isang linggong nag-iisa at nagpakalat-kalat ang tuta habang kagat-kagat ang isang pirasong tinapay.
Mabuti na lang at nabalitaan ng dog rescue group na Sidewalks Special na naka-base sa De Doorns, South Africa ang sitwasyon ni Gunnar at agad itong pinuntahan.
Ayon sa founder ng Sidewalks Special na si Rachael Sylvester, nang makita niya si Gunnar ay hindi mahahalata rito ang pagod at kalungkutan dahil masayang-masaya ito na sumalubong sa kanila at iwinawagayway pa ang buntot.
Bukod diyan, inalok pa raw ni Gunnar sa mga rescuers ang nag-iisa niyang tinapay.
Ayon sa rescue group, si Gunnar pa lang daw ang nakita nilang may pinakamalalang kaso ng worm and tick infestation, tick bite fever, eye infection, at anemia.
Samantala, sa tulong ng Sidewalks Special, bumuti ang kalagayan ni Gunnar matapos dumaan sa gamutan bago tuluyang nakahanap ng bagong pamilya na kukupkop sa kaniya.
Sa mga fur parents diyan, sinusuportahan at pina-practice niyo rin ba ang advocacy na ‘adopt, don’t shop’?