Tila eksena sa pelikula ang naging tagpo sa kasal ng isang lalaki mula sa China matapos hindi sinasadyang magkaroon ng rebelasyon tungkol sa tunay na pagkatao ng kaniyang bride. Sa araw kasi ng kanilang pag-iisang dibdib, hindi lang magkakaroon ng asawa ang lalaki kundi pati na rin ng kapatid.
Kung paano nga ba biglaang nagkabuhol-buhol ang kwento ng magkasintahan, eto.
Nakasanayan na nating mapanood sa mga pelikula ang mga plot twists sa kasal katulad ng biglaang pagba-back out ng bride o ng groom o di naman kaya ay ang biglaang pakontra ng isa sa mga bisita o ng wedding crasher.
Pero ang isang kasal na ginanap sa Suzhou, Eastern China, ibang klase ang naging aberya. Habang ginaganap kasi ang seremonya, napansin ng nanay ng groom ang isang balat sa kamay ng bride.
Dahil sa maliit na detalye na ito, bagama’t maituturing na insensitive, lakas-loob na itinanong ng nanay ang mga magulang ng bride kung ampon ba ang kanilang anak.
Labis naman itong ikinagulat ng mga magulang dahil sa puntong ‘yon, nananatiling isang malaking sikreto ang ginawa nilang pag-ampon sa isang bata na natagpuan umano nila noon sa gilid ng kalsada.
Kahit na walang isinagawang dna testing, mabilis na nakumpirma ng mother of the groom na ang bride ay ang nawawala niyang anak.
Kahit na nagulantang, mabilis itong natanggap ng bride at niyakap ang tunay niyang ina sa unang pagkakataon pagkalipas ng mahabang panahon.
Pero hindi pa diyan nagtatapos ang kwento. Matapos ang reunion ng mag-ina, natuloy pa nga ba ang kasal gayong nadiskubre nila na magkapatid pala ang bride at groom?
Ayon sa ulat, ipinaliwanag ng nanay na ang groom ay ang kaniyang adoptive son na inampon niya matapos mawalay sa kaniya ang anak niyang babae. Bilang hindi naman magkadugo ang bride at groom, natuloy pa rin ang pag-iisang dibdib ng dalawa.
Ikaw, mayroon din bang shocking revelation na naisiwalat sa mismong araw ng kasal mo?



