Kapag magbabakasyon ang isang pamilya, aligaga ang lahat na walang maiwanang mahahalagang gamit. Pero ang mister na ito mula sa France na magbabakasyon sana kasama ang kaniyang pamilya, hindi nga nakaiwan ng gamit, pero naiwanan naman ang kaniyang misis.
Kung natuloy pa rin ba ang bakasyon ng pamilya, eto.
Nagmamaneho ang 62-anyos na mister kasama ang kaniyang misis at ang kanilang 22-anyos na anak mula sa Paris, France patungo sa Morocco para sana magbakasyon.
Dahil nasa kalagitnaan ng long drive ang pamilya, hindi maiiwasan na kakailanganin nilang mag-stop over para magpahinga, kumain, at higit sa lahat ay para magbanyo.
Sa isa sa mga ginawang stop over ng pamilya, nagmaneho ang mister paalis sa gas station bandang alas kwatro ng umaga para ipagpatuloy ang byahe.
Pero makalipas ang apat na oras, matapos magmaneho ng 300 kilometro, saka lang napagtanto ng mister na wala pala sa sasakyan ang kaniyang misis at naiwanan ito sa gas station.
Ayon sa mga otoridad, bandang alas otso ng umaga nang makatanggap sila ng tawag mula sa mister na nanghihingi ng tulong na hanapin ang kaniyang asawa.
Sa kasamaang palad, hindi matandaan ng lalaki kung saang gasolinahan at kung anong oras niya ito naiwanan. Nakatulog din umano ang kanilang anak sa byahe kung kaya wala itong maitulong sa paghahanap sa kaniyang nanay.
Dahil nahirapan ang mga pulis sa paghahanap sa babae, pinagsuspetsahan ng mga ito na sinadyang iwanan ng mister ang kaniyang misis.
Mabuti na lang at na-track ang cellphone ng misis at natagpuan ito sa isang service station 300 kilometers ang layo, ibig sabihin, apat na oras itong naghintay na balikan siya ng kaniyang mister.
Samantala, bago patuluyin ang pamilya sa pagbyahe patungo sa kanilang bakasyon, nagsagawa pa rin ng imbestigasyon ang mga pulis at napatunayan na hindi naman talaga sinadya ng mister na maiwanan ang kaniyang misis.
Sa mga makakalimutin na mister diyan, makalimutan mo na ang lahat, wag lang ang anniversary niyo, lalong-lalo na ang misis mo.