Muling umapela ang grupo ng mga Transport Network Vehicle Services (TNVS) Sa pamahalaan na pagbigyan na ang kanilang hirit na dagdag-pasahe.
Sa harap ito nang utay-utay na pagpapatupad ng bigtime oil price hike at pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na kailangan ng fuel subsidy dahil humupa na ang tensyon sa Middle East.
Bagaman aminado si TNVS Community Philippines Chairman at Spokesman Saturnino Ninoy Mopas na ikinabigla nila ang biglang pag-kambyo ng pangulo, nagpapasalamat sila sa paghupa ng kaguluhan.
Ayon kay mopas, taong 2023 pa sila humihiling ng dagdag-pasahe subalit hanggang ngayon ay naka-tengga ito.
Hindi naman anya pangmatagalang solusyon ang pagbibigay ng fuel subsidy tuwing tumataas ang presyo ng krudo dahil sa katunayan ay kulang pa ang 5,000 pesos na subsidiya.