Dapat managot ang mga sangkot na contractor o ang kanilang mga tauhan sa mga iregularidad o katiwalian sa mga nakuha nitong proyekto sa pamahalaan.
Binigyang-diin ito ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang pagtalima at upang maipakita na seryoso sila sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na panagutin ang mga may kasalanan.
Tiniyak din ni Secretary Bonoan na ikinukunsidera nilang ipa-blacklist ang mga kontratista kung mapapatunayang sangkot sa anomalya.
Kanila anyang bubusisiin ang mga dokumento ng top 15 contractors na ibinunyag ni Pangulong Marcos bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Nanawagan naman ang kalihim sa publiko na ipagbigay-alam sa kanila sakaling may makitang mga kabulastugan o iregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan sa kani-kanilang mga lugar.