Inaasahang papalo sa 10% hanggang 20% ang mga pasaherong dadagsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Kasunod ito ng nalalapit na Undas 2022 kung saan, posibleng dagsain ang naturang terminal ng hanggang 150,000 na mananakay.
Ayon kay PITX spokesperson Jason Salvador, ito ay dahil sa pagbabalik-sigla ng biyahe sa iba’t ibang lugar sa bansa partikular na sa Metro Manila bunsod narin ng pagbuti ng sitwasyon at pagluwag ng restriksiyon sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Iginiit ni Salvador na posible pang tumaas ang bilang ng mga pasahero sa mga terminal lalo na’t nalalapit na rin ang pasko at bagong taon.
Dahil dito, nagpaalala si Salvador sa mga bibiyahe na agahang umalis upang hindi mahirapan sa pila para kumuha ng ticket at iwasang magdala ng malalaking bagahe o gamit.