Iginiit ni dating Commission on Audit Commissioner Heidi Mendoza na hindi naging epektibo ang mga naunang isinagawang lifestyle check ng nakaraang administrasyon dahil karamihan sa mga kasong inihain laban sa mga opisyal ay nauuwi lamang sa pagkaka-dismiss.
Paliwanag ni Mendoza, bagaman nakakapagpaghain ng kaso batay sa hindi maipaliwanag na paglobo ng yaman kumpara sa kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN, kadalasan ay nababasura ang mga ito dahil sa probisyon na nagpapahintulot sa mga opisyal na itama o baguhin ang kanilang SALN nang isang beses.
Kaugnay nito, inirekomenda ng dating COA Commissioner na bago ipatupad ang panibagong malawakang lifestyle checking, dapat munang bumuo ng malinaw na istruktura kung paano ito isasagawa, sino ang mangangasiwa, at ano ang magiging kapangyarihan ng bubuo ng lupon.
Dagdag pa rito, dapat aniyang maging bukas at masusing mapag-aralan ang mga dokumentong isusumite upang matiyak na mapapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang lumagpas sa kanilang tamang kinikita mula sa serbisyo publiko.
—Sa panulat ni Jasper Barleta