Paiimbestigahan na ng Land Transportation Office ang isangdaan at animnapung accredited medical clinic na naglalabas ng mga medical certificates sa kabila ng kawalan ng physical examination.
Ayon kay LTO Chief at Assistant Secretary Vigor Mendoza II, magsisimula nang makatanggap ng mga show-cause order ang mga clinic na nagsasagawa ng ‘non-appearance issuance’ ng medical certificate sa susunod na linggo.
Binigyang diin ni Asec. Mendoza na napag-alaman nilang kahit na hindi sumailalim sa pagsusuri ang mga pasyente, basta pumapayag itong magbayad ay makakakuha pa rin ito ng medical certificate.
Nagpaalala naman ang ahensya sa mga motorista na ang medical certificate ang pangunahing requirement sa pagkuha ng driver’s license at dapat lang makuha sa mga otorisadong pasilidad.