Iginiit ni Senador Erwin Tulfo na dapat malinaw kung hanggang sa anong degree of consanguinity o pagkakamag-anak ang dapat ikunsidera na dynasty.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms sa mga panukalang batas laban sa political dynasty, sinabi ni Sen. Tulfo na mahalagang matukoy kung ano ang mga kondisyon na bumubuo o nakapaloob sa political dynasty.
Kinwestiyon din ng senador kung saklaw ba sa mga nasabing panukala ang elective position o kasama na rin ang appointive position.
Aminado si Sen. Tulfo na mula siya sa pamilya ng politiko kaya nais niyang malinawan sa usapin ukol sa political dynasty.
Nilinaw rin ng mambabatas na hindi ito pag-atake sa mga pamilyang nasa politika kung hindi para mapalakas ang institusyon at makapagbigay ng pagkakataon sa bawat Pilipino para mamuno o manungkulan sa pamahalaan.