Isinailalim na sa state of calamity ang Marikina matapos bayuhin ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, ang hakbang ay para mabigyan ng pagkakataon ang mga taga-Marikina na makabawi sa hirap at pinsalang nararanasan nila ngayon.
Sinabi ni Teodoro na maraming residente ng Marikina ang naapektuhan, hindi lamang ng baha dulot ng Bagyong Ulysses, kun’di ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dahil sa deklarasyon ng state of calamity, magagamit ng local government ang calamity fund nito para maayudahan ang mga apektadong residente.
Binaha ang malaking bahagi ng Marikina matapos umapaw ang tubig sa Marikina River dahil sa malakas na buhos ng ulan dulot ng Bagyong Ulysses.
Bagamat bumaba na ang baha, inihayag ni Teodoro na suspendido pa rin hanggang Martes ng susunod na linggo ang online at distance learning classes.
Kasabay nito, ipinabatid ni Teodoro na magpapadala sila ng mga doktor sa mga barangay para i-check ang kalusugan ng mga residente.