Mabalik tayo ngayon sa usapin kung saan napa-sana all ang karamihan—ang magagarang mga sasakyan ng mag-asawang Discaya. baka lang napapaisip na ang mga tao kung natabunan na lang ba ang usapin na ito. Ano na nga ba talaga ang nangyari sa mga sasakyan?
Kumpirmadong nasa garahe pa rin ng mga Discaya ang 30 nilang luxury cars pero bantay-sarado na ang mga ito ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard (PCG).
Matatandaan na nadiskubreng kwestyunable ang pagpasok sa bansa ng 15 sa 30 mga sasakyan ng mga Discaya, at mahigit sampung empleyado naman ng BOC ang umano’y sangkot dito matapos makita ang kanilang pirma sa papeles na may kinalaman sa importation.
Sa bisa ng inihaing show cause order, pinagpapaliwanag ang mga opisyal kung bakit hindi sila dapat managot sa isyu at kung bakit sila pumirma sa mga nasabing dokumento.
Ngayong tapos na ang deadline na ibinigay para magpaliwanag ang mga ito, sinabi mismo ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa opisyal na panayam ng DWIZ na susuriin na niya ang mga dokumento na ipinasa ng mga opisyal para alamin kung mayroon bang dapat masuspinde sa mga ito.
Samantala, bukod sa mga discaya, sumunod na rin si Former DPWH Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez sa pagsuko ng isa sa kaniyang luxury cars sa Independent Committee for Infrastructure.
Patungkol dito, siniguro naman ni Commissioner Nepomuceno na makikipagtulungan sila sa pagsasagawa ng pormal na imbestigasyon NG ICI sa pamamagitan ng pagpo-provide ng mga resulta na nakalap nila mula sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Gayunpaman, nagtapos na rin ang ibinigay na deadline ng BOC sa mga abugado ng mga Discaya at sisimulan na nilang imbestigahan kung nabayaran ba nang tama at hindi dinoktor ang papeles ng mga nasabing sasakyan.