Sabi nga nila, iba ang pagmamahal ng mga lolo at lola sa kanilang mga apo kumpara sa pagmamahal nila sa sarili nilang mga anak. Katulad na lang ng lolo na ito mula sa France na sinira ang malinis niyang record at napilitang gumawa ng krimen para makulong at mai-rescue ang apo nito na nakakaranas umano ng pang-aabuso sa loob ng bilangguan.
Kung matagumpay nga bang nakapasok ang lolo sa kulungan, eto.
Isang araw, nagpunta ang hindi pinangalanang 60-anyos na dating bumbero sa isang supermarket na matatagpuan sa Sainte-Rose, France, hindi para mag-grocery kundi para magnakaw.
May takip ang mukha at bitbit ang isang baril, pinasok ng nasabing lolo ang grocery store at nilimas ang lahat ng laman ng cash register. Pero ang totoo, hindi ito interesado sa pera.
Ayon sa ulat, hindi nagtagal ay agad ding naaresto ang matanda habang mabagal itong naglalakad pabalik sa kaniyang sasakyan. idagdag pa na malapit lang sa police station ang ninakawan nitong grocery.
sa isang pahayag naman sinabi ng abogado nito na si Lea Le Chevillier na desperado ang matanda na makita ang nakakulong nitong apo.
Kung bakit pursigido ang lolo na matulungan ang kaniyang apo? Ito ay dahil minsanang nakita ng lolo ang kaniyang apo sa visiting room sa kulungan na nagtamo ng damage sa ngipin matapos pagsamantalahan ng kapwa nitong preso.
Sa huli, inamin ng matanda sa korte ang ginawa nitong krimen ngunit hindi ito hinatulan ng anumang kaparusahan dahil nagawa lang umano ito ng lolo dahil sa desperasyon.
Sa halip, ipinagbawal na itong magpunta sa grocery store at pinagbabayad lang ito ng kompensasyon sa ninakaw nitong pera.
Gayunman, nakatakdang sumailalim ang lolo sa psychological treatment at sa kabutihang palad ay hindi ito tinanggalan ng karapatan na malayang bisitahin ang kaniyang apo sa bilangguan.
Ikaw, kaya mo rin bang labagin at kalabanin ang batas para maprotektahan ang mga mahal mo sa buhay?