Ika nga ng ilan, diskarte lang ang puhunan para may marating ka sa buhay. Kagaya na lang ng isang masipag na tatay mula sa Massachusetts na 23 taong naging loyal at nanilbihan bilang janitor sa isang eskwelahan kung saan nakapagtapos nang libre ang lahat ng kaniyang mga anak.
Ang kwento ng kasipagan at dedikasyon ng masipag na ama, eto.
Napatunayan ng noo’y 62-anyos na si Fred Vautour na walang hindi kayang gawin ang isang ama para sa kaniyang mga anak nang piliin nitong manatili sa kaniyang trabaho sa loob ng mahigit dalawang dekada para sa ibinibigay nitong benepisyo sa mga anak ng mga empleyado.
Si Fred kasi, 23 taong nagtrabaho bilang custodian o janitor sa prestihiyosong unibersidad ng Boston College sa Massachusetts kung saan sumasahod ito ng $60,000 o mahigit 3 million pesos kada taon.
Pero aniya, hindi ito sapat para mapagtapos niya ng pag-aaral ang kaniyang mga anak. Pero bago pa maging janitor, binuhay muna ni Fred ang pamilya niya bilang isang dishwasher at nagtrabaho sa iba’t ibang restaurants.
Matapos ang mahabang panahon ng pagkayod at pagsasakripisyo, nakamit na nga ni Fred ang regalong kahit kailan ay hindi matutumbasan ng anumang halaga—at yan ay ang pag-graduate nang libre ng lima niyang anak sa Boston College.
Para gawin pa itong mas rewarding, ligtas din ang mga anak niya mula sa student debt na very common sa America.
Gayunpaman, bagama’t busy sa trabaho, tumatak naman sa isipan ng mga anak ni Fred ang dedikasyon at kasipagan niya sa trabaho na ngayon ay ipinapasa na ng mga ito sa kaniya-kaniya nilang mga anak.
Ikaw, nakapagpasalamat ka na ba para sa mga sakripisyo na ginawa ng mga magulang mo? Wag kalimutang magpasalamat habang hindi pa huli ang lahat.