Mahirap, matrabaho, at magastos ang magsimula ng negosyo. Kaya ang gym owner na ito sa Bangladesh, hindi pumayag na maisahan nang mahuli niya ang tangkang pagnanakaw ng equipment ng isang kawatan. Sa halip na ipapulis, pinag-workout niya ito nang libre… hanggang sa maiyak na ito sa sobrang pananakit ng katawan.
Ang kinahinatnan ng umiyak na kawatan, eto.
Madalas tayong makakita sa social media ng videos o pictures ng mga gym rat o ‘yung mga aktibo sa pag gy-gym at fini-flex ang kanilang progress at pinaghirapang figure.
Pero ang viral video na ito sa Kutupalong Power Gym Centre sa Bangladesh, hindi kinuhanan para mag-flex ng katawan, kundi para ipakita kung paano pinarusahan ang kawatan na nagtangkang magnakaw ng mga equipment.
Inabutan na lang ng owner na si abdullah al mamun na magulo at nawawala na ang ilang equipment sa kaniyang gym sa Cox’s Bazaar at nadiskubre sa pamamagitan ng CCTV na nilooban pala ito ng isang lalaki.
Natukoy at natagpuan ang suspek sa tulong ng mga parokyano sa gym pero sa halip na isumbong ito sa mga pulis at ipahuli, dinala nila ito sa gym at pinag-workout.
Ayon sa owner, pinagsabihan niya ang mga gym-goers na huwag sasaktan ang suspek, kaya pinag-workout na lang nila ito at pinag-bench press, squat, push-up, leg press, pull-up, at chest press.
Sa video, makikita kung paano nahirapan ang suspek at namilipit sa sakit ng katawan habang ginagawa ang routine nang nakasuot ng polo shirt at maong na pantalon.
Nakuhanan din na halos hindi na maiangat ng lalaki ang kaniyang sarili habang nagpu-push up at sumesenyas sa lalaking nagvi-video sa kaniya na hindi na niya kayang ipagpatuloy ang page-exercise.
Pagkatapos nito ay mangiyak-ngiyak ang susppek at halos hindi na maituwid ang kaniyang mga binti habang naglalakad, pero ayon sa mga ulat, nagawa pa nitong tumakas at umamin na nagtangka itong magnakaw para sa kaniyang pagdo-droga.
Samantala, hati naman ang naging opinyon ng mga netizen online. Kung ang iba ay tinawag na creative at hindi bayolente ang ipinataw na parusa sa kawatan, pero ang iba ay hindi ito ikinatuwa at sinabing hayaan ang mga otoridad na magbigay ng karamparang parusa rito.
Sa mga gym rat diyan, ano ang opinyon niyo sa video na ito? Sa palagay niyo, ilang linggo bago makaka-recover ang suspek mula sa intense workout na ito?