Shopping dito, check out doon. Ganyan ang routine ng iba sa atin kapag payday Friday. Pagkapasok ng sweldo, ilalabas din agad, hindi lang sa mga pangangailangan kundi pati sa mga luho. Tingnan natin kung hindi kayo magdalawang isip na gumastos sa susunod na sahod kapag nakita niyo ang nadiskubre ng isang lalaki sa cabinet ng kaniyang mga magulang.
Kung ano nga ba ang pinakatatago sa cabinet na ito, eto.
Nagulantang ang content creator na nakilala bilang ‘Kuya Bro’ nang buksan niya ang tila isang ordinaryong cabinet ng kaniyang mga magulang.
Sa ibinahaging video, makikita na makailang ulit sinubukang buksan ng lalaki ang padlock ng cabinet na matagal na umanong nakakandado. Naisipan niya lang itong silipin dahil namamalengke umano ang kaniyang mga magulang at curious siya sa kung ano ang laman nito.
Nang tuluyang mabuksan ang kandado ng cabinet, bumungad sa lalaki ang samu’t saring mga gamit na napapalibutan na ng mga agiw at alikabok.
Isa-isa itong kinalikot ng lalaki na maayos niya ring ibinalik dahil walang permiso niya itong binuksan. Nang buksan niya ang isang lumang bag, nagulantang ang lalaki nang makakita ng sandamakmak na bente pesos na masinop na itinabi ng kaniyang nanay.
Bukdo pa rito, nadiskubre niya rin ang isang envelope na naglalaman ng perang nagkakahalaga ng P32,500, at isa pang envelope na ang nilalaman naman ay P15,000 na bonus pa ng kaniyang tatay sa trabaho.
Hindi pa riyan nagtatapos ang itinatagong yaman ng kaniyang mga magulang dahil mayroon pang isang kahon na naglalaman ng mas malaking halaga ng pera na binubuo ng mga 100, 50, at 20 peso bills.
Ang video na naisipang kuhanan ng lalaki out of curiosity, nagsilbing inspirasyon at paalala na bagama’t minamaliit ang halaga ng mga barya, lumalaki pa rin ang value nito kapag pinagsama-sama.
Samantala, napabilib naman ang commentators at pinuri ang pagiging masinop sa pera ng nanay ng uploader. Sa katunayan, sinabi ng content creator na dalawang bags ng kaniyang nanay ang muntikan na nilang itapon na naglalaman din pala ng mga pera.
Sa mga gastador diyan, na-inspire ba kayo na mag-ipon dahil sa kwentong ito? Hinay-hinay sa paggastos at pag-ipunan ang kinabukasan sa halip mag-waldas sa mga bagay na walang katuturan.