Sa China — natikman at naranasan ng mga kabataang tsino ang masiglang kultura ng Pilipinas sa programang “building bridges” na inilunsad ng Consulate General ng Pilipinas sa Guangzhou. Ginanap ito sa Jingshi Aoyuan Nanao experimental school bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at ika-50 anibersaryo ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Tsina.
Tatlumpung piling estudyante ang lumahok sa mga larong tradisyunal gaya ng patintero, luksong tinik, at sipa, na naghatid ng kasiyahan at aral tungkol sa samahan, tiyaga, at pagkakaisa. Tampok din ang mga bugtong sa iba’t ibang wikang pilipino, na kanilang inihalintulad sa katumbas na mí yǔ ng kulturang tsino.
Bukod sa laro at palaisipan, natikman din ng mga estudyante ang ensaymada, ube, at kalamansi juice — mga pagkaing nagbigay lasa sa kulturang Pinoy.
Ayon kay Consul General Iric C. Arribas, layunin ng programa na itaguyod ang wika at kulturang Pilipino habang pinapalalim ang pagkakaibigan at pag-unawa sa pagitan ng dalawang bansa.