Kinondena ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun si Vice President Sara Duterte kaugnay ng pahayag nito na peke ang kabaitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior at nakipagsabwatan umano ito sa International Criminal Court para arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Khonghun, walang basehan ang pahayag ng Bise Presidente, hindi totoo at iresponsable.
Iginiit ng kongresista mula Zambales, isa sa mga pinuno ng Young Guns bloc sa Kamara, na malinaw ang paninindigan ni Pangulong Marcos na huwag makialam sa ICC kaugnay ng kaso ng dating Pangulo, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya ng administrasyon nito kontra sa iligal na droga.
Hindi lamang aniya katawa-tawa ang teorya ng sabwatan ni VP Duterte kundi isa ring mapanganib na tangkang linlangin ang publiko at mag-udyok ng kaguluhan sa bansa.
Itinanggi rin ng mambabatas na nagkukubli si Pangulong Marcos sa kabaitan, sa halip ay pinamumunuan nito ang bansa nang may kahinahunan, prinsipyo at respeto sa batas taliwas sa mga lider na kailangang sumigaw, manakot at magsinungaling para mapansin.