Hindi naman na bago sa ating lahat ang makarinig ng mga kaso ng kurapsyon dito sa Pilipinas. Halos gawin na ngang libangan ng mga tao ngayon ang pagsubaybay sa mga hearing at imbestigasyon na ginagawa hinggil sa bilyun-bilyong pisong halaga ng flood control scandal.
Gayunpaman, hindi pa rin nawawala sa isip ng mga Pilipino kung paano ba tuluyang mawawala ang kurapsyon sa bansa?
May tyansa pa kaya na isang araw, gigising tayo nang wala ng pangamba para sa tax na binabayaran natin?
Alam niyo ba na ang kalapit nating bansa na Singapore ay naitala bilang least corrupt country sa asya nitong nakaraang taon? Sana all, diba?
Ayon yan sa inilabas na Corruption Perception Index ng Transparency International the Global Coalition Against Corruption kung saan nanguna ang Denmark, Finland, Singapore, New Zealand, at Luxembourg.
Sa katunayan, ayon sa isang report, sunud-sunod ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng kurapsyon sa Singapore.
Noong 2016, 447 reports at 118 cases of corruption ang natanggap ng the Corrupt Practices Investigation Bureau (CPIB) ng Singapore.
Pagdating ng 2023, halos kalahati ang ibinaba ng mga report at naging 215 na lang, habang ang mga kaso naman ay 81 na lang.
At nito lang 2024, naabot na nga ng Singapore ang pinaka mababang kaso ng kurapsyon na naitala sa bansa.
Ayon sa report na inilabas ng CPIB, 177 na lang ang mga natanggap nilang reports na may kinalaman sa kurapsyon. 75 sa mga ito ang naka-register para maimbestigahan at 61 naman sa mga ito ay inireport anonymously.
Pero paano nga ba ito nangyari? ang CPIB kasi, hindi nagpapaka-kampante at talagang sinisiguro nila na mapapanagot ang mga tiwali.
Halimbawa na lang ay ang former Transport Minister na si S. Iswaran na pinatawan ng isang taong pagkakakulong at ngayon ay nakasailalim sa home detention matapos mapatunayang guilty sa pagtanggap ng mamahaling regalo habang nasa pwesto at paglabag sa Obstruction of Justice.
See? Mayroon naman palang solusyon. May pwede naman palang gawin para mapanagot ang mga kurakot at hindi magipit ang mga nasasakupan nito.
Ang tanong ngayon, posible pa kaya tayong lumaya mula sa pandaraya? Tandaan, ika nga ng matatanda, kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.