Handa ang Kamara na tanggapin si Vice President Sara Duterte sakaling magbago ang isip nito at dumalo sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo a-bente otso.
Ito’y ayon kay House Spokesperson Atty. Princess Abante, kasabay ng pagsasabing mahalagang mapakinggan ng Pangalawang Pangulo ang taunang ulat ni Pangulong Marcos, sa Kongreso at sambayanang Pilipino.
Una nang sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco na magpapatuloy pa rin ang lahat ng paghahanda, kabilang na ang paglalaan ng itinalagang upuan sa VIP gallery at isang holding room para sa Pangalawang Pangulo at sa kanyang mga staff sakaling magbago ang kanyang isip.
Walang ibinigay na dahilan ang OVP sa hindi pagdalo ng Bise Presidente, ngunit binanggit ni Secretary General Velasco na lahat ng iba pang imbitadong opisyal ng pamahalaan ay nakapagkumpirma na ng kanilang pagdalo.
Nakatakdang isagawa ang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa joint session ng Senado at Kamara, sa plenary session hall ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City.