Ika nga nila, business is business, strictly follow the rules. Pero ang isang istasyon na ito sa Japan, bagama’t wala ng pasahero at hindi na kumikita, nanatili pa rin silang bukas para sa nag-iisa nilang pasaherong estudyante at araw-araw na inihatid ito sa eskwelahan. Pero nang grumaduate ang bata, tuluyan na ring nagsara ang istasyon.
Ang kwento ng mapagmalasakit na istasyon, eto.
Taong 1955 nang itayo ang istasyon ng tren sa Kyu-Shirataki na matatagpuan sa Hokkaido Island, Japan para magsilbing service ng mga estudyante papunta at pauwi galing sa eskwelahan.
Pero sa paglipas ng panahon, 36 na lang ang naninirahan sa nasabing lugar at unti-unti na ring nabawasan ang mga pasahero ng nasabing istasyon, na siyang naging dahilan para planuhin ng Japan Railways ang pagsasara nito.
Gayunpaman, nanatili pa ring bukas ang istasyon para sa nag-iisa nilang estudyante na noo’y high school student na si Kana Harada.
Sa loob ng ilang taon, bumiyahe ang tren sa nasabing istasyon para ihatid at sunduin si Kana. Kung hindi dahil dito, mapipilitan ang estudyante na maglakad at umuwi mula sa school na 35 minuto ang layo sa kaniyang bahay.
Dahil sa fixed schedule ng pagdating ng tren, kung minsan ay kinakailangan pang takbuhin ni Kana ang istasyon para lang umabot sa last trip.
Ganon ang naging tagpo sa araw-araw na buhay ni Kana sa loob ng tatlong taon hanggang sa grumaduate ito noong 2016.
Nang magtapos si kana ng high school, tuluyan na ring nagsara ang istasyon.
Marami ang naantig nang marinig ang kwento ni Kana at ang dedikasyon ng istasyon na manatiling bukas para maihatid sa eskwelahan ang nag-iisa nilang pasahero araw-araw. Nagsilbi ring halimbawa ang kwento na ito na mayroon pa ring mabubuting loob na mas paiiralin ang pang-unawa kaysa sa pagkita ng pera.
Ikaw, nakapagpasalamat ka na ba sa mga taong matyagang tumulong at naniwala sayo noong mga panahong walang-wala ka?