Ibinunyag ng Malacañang na hindi natapos sa tamang oras at may mga seryosong depekto ang Philippine Film Heritage Building sa Intramuros na sinasabing kontrata ng pamilya Discaya.
Ayon kay palace press officer at communications Usec. Claire Castro… kahapon, Setyembre a-kwatro, ang deadline ng Great Pacific Builders and Gen. Contractor Inc., na pagma-may-ari ng pamilya Discaya, para sa konstruksyon ng 107 million pesos na gusali.
Pinondohan ang nasabing proyekto sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act at inaprubahan noong December 20, 2024.
Lumabas sa inspeksiyon na hindi pa tapos ang ilang bahagi ng gusali, kabilang ang mga silid na walang tiles, bagsak na kalidad ng elevator, tagas at baradong palikuran, palpak na alulod, at hindi pa natatapos na theater facility.
Dahil dito, tiniyak ng Malacañang na hindi palalampasin ang kapabayaan ng contractor at sisiguruhing maisasaayos ang gusali para magamit nang tama ang pondong inilalaan para rito.