Positibo si Independent Commission for Infrastructure Executive Director Atty. Brian Hosaka na makakapaghain na ng kaso ang komisyon bago magtapos ang taon.
Ayon kay Exec. Director Hosaka, nasa tamang direksyon ang ICI sa mga isinasagawang serye ng imbestigasyon at pagdinig sa kaso ng maanomalyang flood control projects.
Sa kabila ng limitadong bilang ng staff, tiniyak ni Hosaka na naririnig ng komisyon ang hinaing at sigaw ng publiko laban sa nabunyag na malawakang kurapsyon, at ang pagnanais na mapanagot ang lahat ng nasa likod nito.
Dagdag pa niya, nais din ng komisyon na magkaroon ng mabilisang pagsisiyasat sa mga kaso ngunit kailangan pa rin aniyang idaan ang lahat sa ligal na proseso upang masigurong matibay ang ihaharap na reklamo laban sa mga responsableng personalidad sa naturang kaso.—sa panulat ni Mark Terrence Molave