Sinong mag-aakala na maaari palang magsilbing paraan ang Google Maps para mai-document ang ilang mga sandali sa sampung taon sa buhay ng isang matandang mag-asawa na ngayon ay kinaaantigan sa social media? Ang Google Maps kasi, natyempuhan lang naman ang mag-asawa sa labas ng kanilang bahay mula 2015 hanggang 2025.
Kung ano ang nabuong kwento sa mga litrato, eto.
Kumakalat ngayon sa social media ang nakakaantig na mga litrato ng isang matandang mag-asawa sa labas ng kanilang bahay na nakuhanan pala ng Google maps sa Indonesia.
Sa mga litrato, makikita kung gaano kasimple ang buhay ng magkasintahan na kapwa nakaupo sa isang kahoy na upuan sa labas ng kanilang bahay na gawa sa kahoy at mayroong bubong na pinagtagpi-tagping mga yero.
Nakalagay sa bawat litrato ang mga taon kung kailan ito nakuhanan. Nagsimula ito noong 2015 at hanggang sa sumunod na taon makikita ang mag-asawa na tila nagpapahangin sa labas ng kanilang bahay.
Pero pagdating ng 2017 hanggang 2021, mag-isa na lang ang lola na nakaupo sa nasabing upuan at kapansin-pansin din ang tuluyang panghihina ng katawan nito dahil sa katandaan. Ang hinala ng mga commentators, pumanaw na ang asawa nito.
Makalipas lang ang isang taon, makikitang hindi na okupado ang upuan sa labas ng bahay at sarado na rin ang pintuan nito.
Nanatiling nakasara ang pinto sa sumunod na dalawang taon, napabayaan na lang na tumubo ang matataas na damo at wala na sa labas ng bahay ang kahoy na upuan na dating tinatambayan ng mag-asawa.
Sa panghuling litrato na kinuhanan sa kasalukuyang taon, makikitang malinis na ang paligid dahil sa wakas ay tinabasan na ang mga tumubong damo pero, wala na sa kinatitirikan nitong lupa ang kahoy na bahay ng mga matanda.
Ang mga litrato, naghatid ng lungkot sa mga netizen at samu’t saring alaala sa mga netizen, pero nagsilbi rin itong paalala na ang oras ay mabilis na lumilipas kung kaya dapat lang na sulitin ang bawat sandali nito habang mayroon pang pagkakataon.
Sa mga mahilig kumuha ng litrato diyan, ano ang hugot niyo sa buhay? Ginagawa niyo ba ito for the aesthetic o para mangolekta ng mga alaala?