Umabot na sa 360 billion pesos ang kabuuang gastos ng Department of Public Works and Highways para sa flood control projects ngayong 2025.
Ito ang ibinahagi ng Climate Change Commission sa pamamagitan ng budget sponsor nito na si ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap, sa House plenary deliberations ng proposed 183 million pesos badyet para sa 2026 ng CCC.
Sa pagtatanong ni Kabataan Rep. Renee Co, sumagot si Rep. Yap na batay sa implementasyon ng CCC ng Climate Change Expenditure Tagging Program, umabot umano sa 754 billion pesos ang climate change expenses ng DPWH, kung saan 360 billion pesos ang para sa flood control projects.
Sa pagtatanong naman sa malaking gastos ng DPWH para sa flood control projects, kahit na madalas ang mga pagbaha sa bansa, tumugon si Rep. Yap na sinisiguro ng CCC ang pagtugon ng mga ahensya sa pakikipagtulungan sa Commission on Audit at Department of Budget and Management, sa pagbibigay ng rekomendasyon kung paano pa mapabubuti ang compliance at mga action plan para rito.
Sa kabila nito, sinabi ni Rep. Co na hindi sapat ang naturang hakbang dahil sa mga nagpapatuloy na ulat ng ghost projects o mga substandard na flood control projects.—sa panulat ni Mark Terrence Molave