Nadiskubre ng pamahalaan ang ilang farm-to-market roads sa Davao Occidental na dapat ay natapos pa noong 2021, pero hindi pa rin tapos hanggang ngayon.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na isa sa mga proyekto ay tuluyang hindi naipatayo, habang ang isa ay kakabuhos pa lamang ng semento.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ang mga contractor at Department of Public Works and Highways district engineers na responsable sa mga proyektong isinagawa noong 2021–2022, sa tulong ni DPWH Secretary Vince Dizon.
Isinagawa ng Department of Agriculture ang audit matapos isiwalat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang umano’y katiwalian sa ilang DPWH flood-control projects.
Giit ni Secretary Laurel, napakahalaga ng mga FMR para sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, kaya’t tiniyak nitong hindi ito palalampasin at sisiguruhing maipatupad nang maayos ang mga proyekto.




