Sa isang pambihirang pagkakataon, sa halip na pagsamantalahan ang kainosentehan at mahigpit na pangangailangan ng isang estudyante, pinalaya ito ng gang leader matapos itong makaramdam ng konsensya.
Kung ligtas ba na nakauwi ang biktima, eto.
Isang 19-anyos na estudyante mula sa Northwestern China na si Peng Yuxuan ang naghahangad na kumita sana ng pera habang summer vacation kung kaya nagtungo ito sa Xi’an City para maghanap ng trabaho.
Nakilala niya sa isang job-hunting app ang isang babae na naghahanap umano ng live streamer na pinangakuan siya na kikita siya ng malaking halaga ng pera.
Kumagat sa offer ang binatilyo at ipinadala sa yunnan province kung saan regular na nakausap nitong ang kaibigan niyang si Xiaojia at nakiusap na huwag ipapaalam sa kaniyang mga magulang ang kaniyang trabaho.
Pero makalipas lang ang tatlong araw, matapos ipaalam ni Peng sa kaniyang kaibigan na siya ay nasa meng’a port na malapit sa border ng Myanmar, hindi na sila muli pang nagkausap.
Sa mga sumunod pang araw, naalarma ang nanay ni Peng nang isang estranghero mula sa Myanmar ang sumagot sa tawag niya rito. Dahil sa takot na baka nabiktima ng trafficking ang kaniyang anak, agad itong nag-report sa mga pulis na mabilis namang nakipag-ugnayan sa mga otoridad ng Myanmar.
Si Peng, nauwi sa isang scam compound sa Myanmar, ngunit kinompronta siya ng leader na hindi siya nababagay sa ilegal nilang gawain dahil mayroon itong magandang kinabukasan.
Hindi malinaw kung paano nalaman ng leader na katatapos lang ni Peng na mag-take ng gaokao o ang college entrance exam sa china.
Ayon kay Peng, sinabi ng leader na mayroon silang konsensya. Pinayuhan pa siya nito na maging mabuting anak at mag-aral nang mabuti bago pinalaya.
Matapos nito ay ni-rescue si Peng ng mga sundalo at tuluyang nakauwi sa China sa tulong ng United Wa State Army Judicial Committee.
Sa mga naghahanap ng mapagkakakitaan diyan, kahit na mahirap ang buhay, unahin pa rin ang kaligtasan at wag papaloko sa mga nag-aalok ng easy money.