Nagbabala ang Department of Budget and Management sa mga supplier at contractor ng gobyerno na hindi na makakalusot ang mga modus gaya ng dummy bidding, palit-pangalan, at palit-ulo sa ilalim ng Republic Act 12009 o ang bagong Government Procurement Law.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, bahagi ito ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan ang pagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan at tiyaking patas at tapat ang proseso ng bidding sa mga proyekto ng gobyerno.
Paliwanag ng DBM, isa sa mga pangunahing probisyon ng batas ang mandatory disclosure of beneficial ownership information, kung saan kailangang ilantad ng mga kumpanyang sasali sa bidding kung sino talaga ang may-ari o may kontrol sa kanilang operasyon.
Layunin ng naturang hakbang na maiwasan ang conflict of interest at masawata ang sabwatan sa public procurement.
—Sa panulat ni Mark Terrence Molave — ulat mula kay Gilbert Perdez (Patrol 13)