Umabot na sa higit isandaang ulat ng umano’y maanomalyang proyekto ang natanggap ng Department of Public Works and Highways mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kasunod ng imbestigasyon sa mga flood control program.
Batay kay Public Works and Highways Secretary Vince Dizon, nakarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo sa loob lamang ng isang linggo. Ipinaliwanag niya na ito ang unang pagkakataon sa kanyang mahabang karanasan sa serbisyo publiko na nakatagpo siya ng isang ahensya na may ganitong kalaking kalituhan at kawalan ng maayos na sistema.
Binanggit ng kalihim na ang problemang kinakaharap ng DPWH ay hindi maaayos sa pamamagitan lamang ng pagtanggal ng ilang opisyal o pagpapapanagot sa iilang sangkot.
Ang nakikita anya niyang solusyon ay malawakang pagbabago sa mismong sistema ng ahensya. Dagdag pa niya, matagal nang umusbong ang ganitong uri ng kultura at hindi ito malulutas nang mabilisan.
Tiniyak ng kalihim na isa-isang sisiyasatin ang lahat ng ulat na natanggap, kasabay ng pagbabalangkas ng pangmatagalang reporma upang maipatupad ang mas malinaw at mas epektibong proseso sa DPWH.
—Sa panulat ni Jasper Barleta