Maaaring gawing mandatory o atasan ng Department Of Health (DOH) ang mga magulang na pabakunahan kontra COVID-19 ang kanilang mga anak.
Binigyang diin ito ni Senador Francis Tolentino sa gitna nang gumugulong nang pagbabakuna sa general population at sa mga menor de edad.
Ayon kay Tolentino, sa ilalim ng Republic Act 10152 o “mandatory infants and children health immunization act” ang kalihim ng DOH ay pwedeng maglabas ng department circular upang masaklaw ng mandatory vaccine ang bakuna kontra COVID-19 bilang “vaccine-preventable diseases”
Sa ngayon aniya ang saklaw ng “mandatory basic immunization para sa mga sanggol at bata ay bakuna kontra diphtheria, tetanus at pertussis, polio, tigdas, beke, hepatitis-b at influenza.
Sinabi ni Tolentino na malinaw na may sapat ng batas upang bakunahan ang mga batang estudyante laban sa coronavirus disease. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)