Maraming ebidensyang hawak ang gobyerno para patotohanang ginagamit ng mga grupong konektado sa NPA ang nakukuhang pondo mula sa Belgium at European Union (EU).
Sinabi ito sa DWIZ ni AFP PIO Chief Coronel Noel Detoyato kaya’t inilobby nila sa EU at Belgium ang pagpapatigil sa pagbibigay ng pondo sa ilang non-government organizations (NGOs) sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Detoyato na pawang lehitimong usapin tulad ng climate change ang ginagamit ng mga naturang grupo para makakuha ng pondo at sinisiraan ang gobyerno na hindi nagpapairal ng demokrasya.
“Marami tayong nakalap na mga ebidensya at affidavit ng mga nagbabalik loob na. ‘Yun nga ang magiging scheme. Double funding scheme kung minsan triple pa magpapadala sila ng request ng funding sa isa or dalawang project or tatlong countries for the same project. Then ang hatian pa nila ay 60-40 minsan baliktad 40 doon sa project 60 doon sa armado. May mga double fund scheme silang ginagawa.” Pahayag ni Col. Detoyato.
Ayon kay Detoyato, tiniyak ng EU at Belgium ang imbestigasyon kung paano ginamit ang pondong ibinigay nila sa mga nasabing grupo matapos nilang ipaabot sa mga ito na ginagamit sa terorismo at paglaban sa gobyerno ang ayudang galing sa labas ng bansa.
“Nachachannel nila ‘yun papunta sa ating mga kalaban na grupo yung mga grupong na gustong ibagsak an ating gobyerno. Yung grupong CPP-NPA-NDF eh listed yung NPA as terror group beware of them at magpapadala sila ng imbestiga kung saan napunta yung mga perang pinadala nila.” Ani Col. Detoyato.