Mayroon nang mga indikasyong nagpa-flatten ang “curve” sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa –base sa mga nakukuhang datos ng mga otoridad.
Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagamat hindi pa rin masasabing nagpa-flatten ang “curve” sa regular o araw-araw nilang tinitingnan kung kailan nag-uumpisa ang sintomas ng tao.
Sinabi muli ni Vergeire na nag-iimprove naman ang doubling time o pagitan ng oras na kailangan sa pagdoble ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Bumabagal na aniya ang doubling time sa bansa na dating nasa tatlong araw ay limang araw na ngayon na nangangahulugang mas mabagal na ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Gayunman, inihayag ni Vergeire na hindi dapat maging kampante ang bansa at patuloy na labanan ang COVID-19.