Aminado ang Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na nananatiling hamon pa rin ang kakulangan ng mga pasilidad para sa mga Persons Deprived of Liberty o PDLs.
Sa isang virtual forum, sinabi ni BJMP Spokesman, Jail C/Insp. Xavier Solda na bagama’t napakatagal na nilang problema ang jail congestion ay unti-unti na itong nabibigyang solusyon tulad ng pagpapatayo ng mga imprastraktura sa tulong ng National at Local Government.
Gayunman, bumaba na aniya sa 397% ang kanilang congestion rate sa mga bilangguan mula nuong Disyembre ng taong 2020 hanggang sa kasalukuyan kumpara naman sa 403% na nai-ulat ng Commission on Audit o COA sa kanilang Performance audit para sa nakalipas na taon.
Sa kasalukuyan ani Solda ay mula sa 103 proyekto o mga pasilidad na kanilang ipatatayo, 79 dito ang nakumpleto na, 23 ang nagpapatuloy pa habang isa naman ang binawi o terminated dulot ng ilang kadahilanan.
Pag-amin naman ng BJMP, mas mataas ang kanilang jail capacity ng mahigit 100K kumpara sa standard jail capacity sa kasalukuyan na nasa mahigit 36K lamang
Subalit nanindigan si Solda na wala silang problema sa paggastos ng pondo ngunit dapat pa nilang pagtuunan ng pansin sa ngayon ay mga karagdagang pasilidad na malabo pang mangyari sa ngayon dahil sa nagpapatuloy na pandemiya.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)