Kung minsan ay hindi talaga maiiwasan ang mangutang lalo na kung mayroong mga pangyayari na hindi inaasahan. Bukod sa mga bangko, kabilang ang mga ahensya ng gobyerno sa nilalapitan ng mga tao katulad ng Pag-IBIG Fund na mag-iimplementa ng mga pagbabago sa kanilang sistema.
Makakatulong nga ba sa mga Pilipino ang mga pagbabago na ito? Alamin.
Kamakailan lang ay nagdala ng magandang balita ang Home Development Mutual Fund o Pag-Ibig Fund dahil sa mga pagbabago na iimplementahan ng ahensya.
Ayon sa pag-ibig, tataas na ang maaaring hiraming pera o loan ng mga members nito mula sa 80% na ngayon ay magiging 90% na para bigyan ng kasiguraduhan ang mga members na mayroon silang mas madaling malalapitan sa oras ng pangangailangan.
Applicable ang increase na ito sa multi-purpose loan at short-term loan programs katulad ng Health and Education Loan Program (HELPS) at calamity loan.
Bukod pa riyan, makakakuha na rin daw ng mas malaking loan ang mga members na magco-contribute ng mas malaking halaga sa kanilang regular savings account.
Kasabay ng mas mataas na cash loan limit, mas padadaliin pa ng Pag-Ibig Fund para sa mga members ang pag-avail ng loan dahil mula sa 24-month requirement, magiging qualified na ang mga members kahit na 12 months pa lang silang nakakapaghulog ng contribution.
Target din ng ahensya na higitan ang 3.2 million Filipinos na napagkalooban ng cash loan na umabot sa 70.3 billion pesos nitong nakaraang taon at gawing 95.3 billion pesos para maabot ang 3.6 million members ngayong taon.
Ikaw, magandang balita ba para sa’yo ang mga enhancement na ito?