Bukod sa mainit na usapin sa mismong anomalous flood control projects, sumabay pa sa mga diskusyon ang pangalan ng mga nangandidato noong 2022 elections na tumanggap umano ng donasyon mula sa mga kontratista na sangkot umano sa ghost o substandard flood control projects.
Sa opisyal na panayam ng DWIZ, sinabi mismo ni Commission on Election Chairman George Erwin Garcia na sa ngayon ay 43 kontratista ang natukoy ng COMELEC na nag-donate sa mga kandidato noong 2022 elections.
Kung titingnan ay marami na ito, malaking bilang na ito ng mga kontratista. But wait, there’s more. Ayon kay Chairman Garcia, national positions pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Aniya, iniimbestigahan pa nila kung sinu-sino ang mga nag-donate sa mga gubernatorial at senatorial candidates.
Makikipagtulungan din ang COMELEC sa Department of Public Works and Highways para naman alamin at kumpirmahin kung ang mga kontratista ba na ito ay mayroong kontrata sa pamahalaan.
Ayon kay Chairman Garcia, tinatawag na case buildup ang ganitong uri ng proseso at hindi pa formal investigation. Dahil nga isa itong case buildup, aalamin muna rito kung ano nga ba ang root cause ng isyu at ang paliwanag ng bawat indibidwal na sangkot umano rito.
Dahil hindi na rin mapakali ang taumbayan na malaman kung sinu-sino nga ba talaga ang sangkot sa tila serye na ito dahil sa magkakakonektang mga isyu, sinabi ni Chairman Garcia na hindi magtatagal ang imbestigasyon na ito dahil sunod pa nilang sisiyasatin ang katatapos lang na 2025 midterm elections.



