Bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas 2025, ipinatupad ng Batangas City Grand Terminal ang mga pangunahing hakbang upang masiguro ang ligtas, komportable, at maayos na pagbiyahe para sa lahat ng pasahero.
Sa karaniwang araw, humihigit sa 10,000 pasahero ang dumaraan sa terminal. Sa Undas, inaasahang tataas ito sa humigit-kumulang 17,000 pasahero bawat araw. Upang pamahalaan ang inaasahang dami, nagdagdag ang terminal ng mga karagdagang hakbang sa crowd control, mga tauhang panseguridad, at public assistance desks sa buong terminal.

Matagumpay ding ipinatupad ng terminal ang mga rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) matapos ang inspeksyon na pinangunahan ni Acting Secretary Giovanni Lopez noong Oktubre 27, 2025. Kabilang sa mga hakbang na ito ang dagdag na upuan, karagdagang electric fans, at pag-set up ng waiting area para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).
Batay sa obserbasyon ng pang-araw-araw na operasyon, bihira lamang mapuno ang mga waiting area, at maayos ang daloy ng pasahero kahit sa peak hours. Ang pagbiyahe sa terminal ay “come and go” dahil sa sapat na dami ng bus at jeep na tuloy-tuloy ang pagdating at pag-alis. Ang regular na koordinasyon at monitoring, kasama ang madalas na pagpupulong sa mga transport operator, ay nakatutulong upang maiwasan ang pagkaantala at pagsisikip.
Katuwang ng terminal ngayong Undas ang Local Government Unit ng Batangas City at iba pang government agencies tulad ng Philippine National Police (PNP), Philippine Red Cross, at Barangay Alangilan Council upang masiguro ang maayos at ligtas na pagdaloy ng pasahero.




