Kadalasan ay itinuturing na prized posession ang mga collectible items na pinagkakagastusan ng mga collectors. Pero ang batang ito sa America, walang pag-aalinlangan na ipinagbili ang kaniyang collections para maipagamot ang kaniyang best friend na si Bruce, ang kaniyang alagang aso.
Kung magkano ang napagbentahan ng bata, eto.
Nakahiligan ng noo’y walong taong gulang na si Bryson Kliemann mula sa united states ang panonood ng cartoon na Pokemon at nangoleksyon pa ng mga Pokemon cards.
Pero para sa isang bata, malaking desisyon at sakripisyo ang ginawa ni Bryson na i-let go ang ilang taon niyang kinolekta na Pokemon cards para maipagamot ang kaniyang alagang aso na si Bruce na na-diagnose ng malubhang sakit na Parvovirus at nangangailangang sumailalim sa operasyon na nagkakahalaga ng $700.
Ibinenta ni Bryson ang kaniyang card collection sa labas ng kanilang bahay. Nakuhanan pa ito na nasa ilalim ng isang malaking payong kung saan siya nakasilong at ang kaniyang cards na nakalatag sa isang mesa at ang nakapaskil na signage na nagsasabing “Pokemon 4 sale.”
Agad na dinagsa ng customers si Bryson nang madiskurbe ng kanilang mga kapitbahay ang dahilan sa biglaan nitong pagtitinda. Habang ang nanay niya namang si Kimberlie ay nagpasimula ng gofundme campaign na nag-viral at nakalikom ng malaking halaga ng pera.
Bukod sa pagbili sa kaniyang mga paninda, ibinigay ng ilang mga kapitbahay ang sarili nilang card collections para maibenta rin ni Bryson, at ang iba naman ay nag-donate ng pera at dog supplies.
Matapos makalikom ng mahigit $21,000 o mahigit isang milyong piso, matagumpay na naipagamot si Bruce at nakauwi rin sa kanilang bahay kasama ang kaniyang best friend na sa murang edad ay natuto na magsakripisyo.
Samantala, ang natira sa mga perang nalikom ng pamilya ay idinonate nila sa mga animal shelters at ginamit para tulungan ang ibang pamilya na magbayad ng veterinary bills.
Sa mga batang may fur babies diyan, pwede niyo bang i-share ang mga sakripisyong nagawa niyo sa murang edad para sa inyong alaga?