Hinihintay na lang na mabuo ang Bangsamoro Transition Commission para magpatuloy na ang negosasyon para sa kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng Muslim.
Ito ang tiniyak ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre ang Executive Order No. 8 na lumikha sa nasabing komisyon.
Mula sa 15 miyembro, pinalawig sa 21 ang mga kasapi nito.
Sampu ang itatalaga ng pamahalaan at 11 naman ang mula sa MILF o Moro Islamic Liberation Front, kabilang na ang magiging Chairman.
Bukod sa paniniyak ng Inclusivity sa Peace Process, magiging tungkulin ng Bangsamoro Transition Commission ang pagbuo ng bagong panukalang batas na hahalili sa lumang Bangsamoro Basic Law.
Sinabi ni Dureza na, dahil din naganap ang Mamasapano incident, nabigong isabatas ng naunang Bangsamoro Basic Law, ang magiging dokumento sana para sa bagong Enabling Law.
Isa sa mahahalagang mekanismo na sakop ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang Bangsamoro Transition Commission na gagamitin para sa pagbabalangkas ng Enabling Law na siyang magtatatag at magpapatupad naman sa Bangsamoro Political Entity.
By: Avee Devierte / Aya Yupangco