Kadalasan ay maagang gumigising at bumibiyahe ang mga empleyado dahil bukod sa mismong trabaho, sa kalye pa lang ay nakikipagsapalaran na sila para maagang makapasok. Pero ang dishwasher na ito sa China, maswerte na may taga-hatid papunta sa trabaho. Pero hindi lang ito basta-bastang sasakyan dahil ang service niya, isa lang namang luxury car.
Kung paano nga ba ito nangyari, eto.
Pinag-uusapan ngayon sa social media ang isang babae mula sa Chengdu City matapos kumalat sa isang Chinese platform ang picture at video nito na bumaba mula sa isang magara at makintab na luxury car na nagkakahalaga ng $400,000 o mahigit 26 million pesos.
Kitang-kita sa video ang simpleng kasuotan ng babae na pink polo shirt, black pants, bota, at apron. Kung bakit? Ito ay dahil isang dishwasher ang babae at hatid-sunod siya ng nasabing sasakyan kapag papasok at uuwi ito mula sa trabaho.
Pero bakit nga ba nagtatrabaho pa ang babae kung afford naman nito na makabili ng sasakyan at namumuhay nang komportable?
Ayon sa ulat, hindi pera ang dahilan kung bakit nagtatrabaho ang babae kundi dahil bored umano ito sa kanilang bahay at naghahanap lang ng mapagkakaabalahan.
Kung ang iba ay kinatatamaran ang paghuhugas ng mga pinagkainan, ibahin niyo ang babaeng ito na hindi raw kumpleto ang araw niya kung hindi siya maghuhugas ng mga pinggan.
Ang trip na ito ng babae, suportado naman daw ng kaniyang anak. Dahil wala naman itong magagawa para pigilan ang kaniyang nanay, hinahatid at sinusundo niya na lang ito sa trabaho.
Kung iisipin, pwede namang magpahinga o mag-retire na ang babae, lalo na at may-kaya naman ito sa buhay. Pero hinahangaan ito ngayon sa social media dahil mas pinili nito na magtrabaho para makisalamuha sa mga tao araw-araw sa halip na magkulong sa kanilang bahay.
Ikaw, anong paraan ang ginagawa mo para mawala ang boredom mo?



