Hindi basta-basta ang pagda-diet. Bukod sa gym coaches, ang iba ay kumukonsulta pa sa mga doktor at nutritionists para lang makasigurado na tama at effective ang gagawin nila sa kanilang fitness journey. Pero ang dalagitang ito sa China, walang anu-anong nagbawas ng kain at uminom pa ng gamot para lang magpapayat, dahil sa desperasyon na magkasya sa kaniya ang kaniyang birthday dress.
Kung naging matagumpay ba ang pagda-diet ng dalagita, eto.
Nanghina ang mga braso at binti, at kinapos sa hininga. Ganyan ang naranasan ng isang 16-anyos na babae sa china na kinilalang si ‘Mei’ matapos nitong biglaang mag-diet sa loob ng dalawang linggo.
Ang goal ni Mei? Ang magkasya sa kaniyang birthday dress.
Sa dalawang linggong pagda-diet, tanging kakaunting gulay lang ang kinain ng dalagita. Bukod pa riyan, sinabayan pa niya ito ng pag-inom ng laxatives.
Sa halip na pumayat, isinugod ito sa ospital dahil sa panghihina ng katawan. Bumaba rin ang blood potassium levels nito at nag-develop ng life-threatening condition na hypokalaemia.
Dahil dito, kinailangang sumailalim ng dalagita sa isang emergency medical procedure na tumagal ng labindalawang oras.
Sa halip na maging inspiring ang kaniyang fitness journey, ginawa pa itong halimbawa ng mga doktor para magbabala sa mga taong nagnanais na magpapayat nang mabilisan.
Sa mga nagdi-dyeta riyan, sigurado ba kayo na nakaka-healthy ang ginagawa niyo? O baka naman mas makakasira pa ito sa kalusugan niyo?