Lubos na pinaghahandaan ng mga estudyante, lalo na ng kanilang mga magulang ang pagpasok nila sa medical school dahil sa kaakibat nitong gastos. Pero ang mga estudyante sa isang med school sa New York, pag-aaral na lang ang kailangang isipin dahil libre na silang makakapag-aral sa tulong ng isang babae at iniwanang pera sa kaniya ng kaniyang asawa.
Kung sino ang generous na mag-asawa na ito, eto.
Hindi na kinakailangan pang alalahanin ng mga estudyante ng Albert Einstein College of Medicine at ng kanilang mga magulang kung paano tutustusan ang mga bayarin sa mahabang panahong pag-aaral ng medisina dahil sa donasyon na natanggap nito mula sa Chairperson ng kanilang board of trustee na si Ruth Gottesman.
Ang donasyon ni Ruth, nagkakahalaga lang naman ng one billion dollars na iniwan sa kaniya ng kaniyang yumaong mister na si David Gottesman na noo’y isang financier.
Ayon kay Ruth, mahigit isandaang estudyante ang pumapaso sa nasabing kolehiyo taun-taon. At noon ngang agosto nitong nakaraang taon, nagsimula nang makatanggap ang mga maswerteng estudyante ng libreng tuition fee.
Bukod pa riyan, na-reimburse rin noong 2024 spring semester ang binayarang tuition fee ng mga noo’y 4th year students.
Dagdag pa ni Ruth, labis siyang nagpapasalamat sa namayaapa niyang asawa dahil sa iniwan nitong kayamanan at itinuturing na pribilehiyo ang pagtulong sa mga estudyante.
Sa katunayan, hindi ito ang unang pagkakataon na tinulungan ng mag-asawang Gottesman ang kolehiyo dahil aktibo na noon pa man ang mga ito sa pagkakawang-gawa.
Sa mga magulang diyan, hinihiling niyo rin ba na makatanggap ng ganitong pribilehiyo para mapagaan ang pag-aaral ng inyong mga anak?